Tulaan sa Tren 2

Tulaan sa Tren 2

May-akda:

Isinulat: 2009

Ang Tulaan sa Tren 2 ay isang paligsahan kung saan iniimbita ang publiko na magpadala ng mga tula na ilalagay sa mga tren ng Light Rail Transport Authority para itaguyod ang gawaing pagbabasa.

Ang mga tula dito ay nakuha mula sa librong Off the beaten track: Poems from Tulaan sa Tren 2 (ISBN 978-971-94015-3-7). Maaaring basahin ang buong libro sa Internet Archive. Hindi ko isinama sa pahinang ito ang mga ibang bahagi ng libro katulad ng pambungad, pati na rin ang mga tulang hindi isinulat sa wikang Tagalog.

Tren, Tren, Tren!, ni Abdon Balde, Jr.

Tren, tren, tren!
Pagkaganda-ganda
Ng aking umaga!
Mutyang nakilala
Sa Pasay kanina’y
Itsurang artista;
Sa Cubao din pala
Nag-oopisina.
Di ko nausisa
Kung siya’y dalaga,
Ngunit kung hindi na
Manawari sana
Ay walang asawa.

Tren, tren, tren!
Bilis-bilisan po!
At naghihingalo
Ang mahal kong bunso!
Hindi na malayo!
‘Wag sanang huminto,
Tayo nama’y puno!
Tingnan at sa dulo
Merong nakatayo!
Hindi mapupugto
Ang buhay ni Bunso
Basta’t sumapuso
Ang bitbit kong dugo!

Tren, tren, tren!
Dalhin sa Makati
Itong aking swerti;
Pers dey ko mag dyuti
Sa bank sikyoriti,
Di bale nang riski
Basta’t laging bisi;
Di tulad ng pisting
Opis sikyoriti,
Na lagi kang drawsi
Lalo na sa gabi,
Malimit mahuli
Isliping on dyuti.

Tren, tren, tren!
dahan-dahan lamang
At baka maiwan
Irog kong katipan!
Tangan nya ang kaban
Ng kinabukasa’t
Dangal ng pangalan
Na tangi kong yaman;
Kung siya’y maiwan
Ay di ko malaman
Ang kahihinatnan
Ng binhi na laman
Ng sinapupunan!

Tren, tren, tren!
Siksikan na naman,
Walang maupuan!
Araw araw na lang
Na nag-uunahan
Patungo kung saan
Merong kapalaran.
Habang nasa daan
May nadudukutan,
May natsatsansingan,
May nasusumpungang
Di inaasahan
Na kaligayahan!

2121 Abenida Rizal, ni Epifanio San Juan, Jr.

Lumilipas ang lahat na parang tubig sa ilog. - Herakleitos
Sa panaginip nagsisimula ang pananagutan. - W.B. Yeats

Tumitili ang sirena ng tren sa tining ng hatinggabi—
Sa iglap ng orasan, tumitili!
Tuwing hatinggabi sa krus na daan ng Blumentritt
Umuulos sa kaluluwa
Ang tudla ng panahon…

Mga takip-silim na tuyot ang dila sa pagkabigo
Mga umagang umaambon ng luhang malamig
Araw / gabing umuulan, hanging tumitili—
At sa batang iyon ng panahong lumipas
Kumakalampag pa rin sa tabi ng hagdan
Ang lumang alulod, yerong alulod, sirang alulod…

Tumitili ang sirena, kumakalampag ang kalawanging yero!

Ang pagkaing dalisay na siyang pag-aari
Ng bawat panahon, ay may bango at lasang
Dulot ng panaginip ng kinabukasan;
Ngayon, sa pangungulila ng gabing tag-ulan
Napapaglirip ang tunog na pumailanlang—
Habang naghihintay sa bukang-liwayway
Na siyang gigising sa asawa’t anak—
O tili ng sirena, nagbabantang langit, yerong alulod:
Ako’y bumabangon sa bilog ng “Oo, oo.”
Sa tahanan ng aking pagkabata at tanging pagkatao.

Himagsik ni Jojo, ni Bienvenido Lumbera

May maragasang treng laging yumayanig
sa pawid na dingding ng iyong daigdig.
Sigaw ng silbato’y
tila nangangako ng malayong langit.
Sa nasang lagtasin ang pusod na lubid,
na gapos sa iyo
ng sakiting ina’t mestisong kapatid,
may inihahasang mapurol na lupit.

Inari mong kandado sa tanging lagusan
suyo ng inang nananalig pang
bahay-tao niya ang iyong tahanan.
Kaya’t kung dulutan ng laan pangaral,
alinlangan kang baka may pain
sa haing pagtingin sa mesang-kakanan.
Tanging katiyakan – na sa daang-bakal
kung ika-walo’y nag-aanyaya
ang maragasang treng hindi naghihintay.

Ang musmos mong isip, sa ibang daigdig
laging naghahanap ng mababang langit.
Baguntao ka na,
may sapat na gulang, abot na ng bait
na di kayang putlin ng pangal na lupit
ang buhol ng pusod.
Kaya’t gabi-gabi ay inip na inip
na inihahasa ang paghihimagsik,
at hinihintay mong
gumuho sa yanig ang daigdig na pawid.

Sa Metro Linea 3 Pagkamatay…Pagkabuhay, ni Gexter Ocampo Lacambra

Araw-araw, kusa naming inililibing ang aming sarili.
Nagpapahugos kami sa napakalalim na hukay
patungo sa hintayan ng aming kabaong.

Sa takdang oras, dumarating ang anim
na dugtong-dugtong na ataul,
kusang bubukas ang bubog nilang pinto,
papasok kami’t agaran silang magsasara.

Sa loob, simula ng aming pagkamatay:

Uusad ang kabit-kabit na ataul,
sasakalin kami ng di madalumat
na nagsala-salabat na amoy
ng kapwa naming mga bangkay,
ng iba’t ibang alalahanin ng buháy.
Hanggang lamunin kami ng lupa’t bato.

Sa pagpikit namin upang humimlay,
tumatakas ang diwa sa katawang
hinapo ng naunang pagkamatay.
Saglit naming malilimutan
ang hagupit ng dila ng mga amo
na di kumikilala sa aming dangal,
ang paghamak ng aming kapwa,
ang koronang tinik ng pagiging alipin,
ang bigat ng krus sa aming balikat.
Ang aming paulit-ulit na pagkapako.

Sa itinakdang fermata,
himalang bumabalik ang tumakas na ulirat.
Maaalimpungatan kami sa pagkahimlay.
Pagbukas ng mga salaming pinto,
walang-lingon naming iiwan ang aming kabaong.
Aahon kami sa hukay upang sundan
ang liwanag sa itaas na dulo ng hukay.
Ganito kami.
Paulit-ulit kaming nagpapalibing.
Namamatay.
Para kami at ang iba’y mabuhay.

Pan-Rush Hour, ni Joselito de los Reyes

Dapat walang pagsalang deretsong riles ang liston
ng iyong abuhing pantalon upang hindi mapahiya
sa kintab ng kabibiton mong Lunes at sapatos
na karengga ng magpakailanman mong kurbata’t
nanggagalaiting kuwelyo ng bihis-Makati o Ortigas.

Dapat humahalimuyak ka kahit lampas-lampasan
sa di-pahuhuling alas-otso ang sirit ng pawis sa noo,
sa batok, sa likod ng hindi magkamayaw na kriskrusan
ng minutong ikakaltas sa iyong kinsenas at katapusan.

Dapat kumpleto ang lingguhang ulat ng iyong pinagpala
sa lahat na laptop na bumibigat, lumalapad,
bumibigat bawat hinihingal na estasyong isinabit mo
sa balikat, iniiwas sa sunggab at balya ng mga obrerong
gaya mo, kanina lamang ay mabango at bibong-bibo.

Muni mo, mali lahat ang pakana ng gobyernong ilayo
sa mga makahaywey na tao ang terminal
na umiilap kada segundong pag-init
ng punong-tainga ng pipirma sa iyong iniingat-ingatan,
iniimpok-impok, itinatago-tagong pampamilyang leave.

Madidili mong via crucis kahit hindi santo-santo
ang riles na ito, kahit alam mong malayong-malayo
ka sa pagiging berbo, kahit alam mong umaastang
Golgotha ang araw na itong lubhang kaylayo pa
sa umento, mainit na kape, pansine, pang-apartment,
pang-ipon sa kabuhayang ipinangako mo sa sariling
ikukubli sa nakangingilong sagitsit ng pambayang tren
na iisang ruta lamang ang alam: walang balikan.

Estranghero, ni Rio Alma

Bawat bituin ay isang tahanan,
Kumakaway at naghihintay,
Nagpapasikdo sa mithiing maglakbay.
Wala, wala akong kasiyahan;
Walang pantalan o himpilang makatighaw
Sa bughaw na uhaw
At matandang pintig ng nunal sa talampakan.

Sa timog, binagtas ko’y mga larangan
Ng sinaunang digma’t gutom;
Sa hilaga, nanggilalas ako
Sa hiwaga ng agham
At nagtitimpalakang likhang-yaman.
Nakiluhod ako sa mesiyas sa silangan
Habang umaawit ang mga anghel at anakpawis
At matagal ding namahinga sa kanluran
Sa piling ng isang mayuming mestisa.

Dalawa ang aming anak
At pinagpala ang ani noon ng ubas
Nang muli akong magpaalam
Tungo sa kung-saang di ko alam.
Natikman ko na ang asin sa dagat
Gayundin ang maghukay ng ugat sa gubat
At lumipad sa lupain ng buhangin,
Ngunit waring marami pang sulok ng lupa
At pusod ng along dapat kong tuklasin.
May naririnig akong hamon pagdilat;
Saglit na kamatayan ang bawat pagpikit.

Anupa’t kung gabing tahimik ang mundo
At nag-uulayaw ang hamog at damo,
Papatayin ko ang siga,
Papasanin ang munting bagahe sa buhay
At aaninawin ang inaakalang landas
Patungo sa pinakamalapit na bituin.

Amay Nang Magdilikom, ni Kristian Sendon Cordero

Isinaling titulo: Maaga nang Dumilim. Orihinal (kaliwa) sa wikang Bikolano.

Ta ano ika naghihidali—
pareho man sana an pagpuli?
An trapik, awto, mahal na plete—
sa buhay, daing bagong putahe.
Pabayae an sadiri— tukaw
ngona digdi— ta kita maglamaw.
Pag-olayan baga mga bagay
bago kita dagos na magsuhay.
Uni an buskay na nakua ko
kaidto, laogan an muro mo.
Itok-itokon— dai biglaon.
An tanog sa laog— himation.
Dangan ilaog bilog mong kamot.
Kapotan mo— bagong pagkamoot.
Bakit ka laging nagmamadali—
pareho lang ang daan pauwi?
Trapik, auto, mahal na pasahe—
sa buhay,walang bagong putahe.
Pagbigyan ang sarili— umupo
ka muna—magbantay tayo dito.
Pag-usapan itong ilang bagay
bago uli tayo maghiwalay.
Heto ang kabebeng napulot ko
noon, ipasok ang hintuturo.
Paikut-ikutin— ‘wag biglain
May tunog sa loob—pakadinggin.
Ngayon, ipasok ang buong kamay
May bagong pag-ibig—naghihintay.

Awit sa Estasyon, ni Mesándel Virtusio Arguelles

Nang huling dungaw ko:
papuno na ang estasyon
Sapagkat huli na naman
sa usapan malapit na akong mapuno

Umuugong ang usap-
usapan ng mga kapuwa pasahero
ngunit wala ang paparating na tren

Anuman ang gawing dungaw
sa abot-tanaw ay walang nagbabalik-
dungaw sa kurba ng riles

Sa isa pang estasyon
sa pelikula
bagot
ang manunulat na nakadaramang ninakaw
ang kaniyang buhay;
ibig niyang magbalik

sa London—patungo roon ang tren; inabutan siya
ng asawang nangakong gagawin
ang kaniyang ibig dahil iniibig

Samantala nang muli kong dungawin
ang tinatahak ng riles
dumungaw sa akin ang landas ng dalawang dulo
waring walang dulo

Sa Sandaang Pulo, ni Jose F. Lacaba

Parang punongkahoy
sa Sandaang Pulo,
nag-uugat, yumayabong
sa bato;
parang bangkang de-motor
sa Katimugang Dagat Tsina,
sumasalunga sa agos—
sana’y ganyan din
itong aking puso
sa bato at dagat ng kasalukuyan.

Tulang Sinulat sa Tayog ng 35,000 Talampakan, ni Amado V. Hernandez

1. Sakay ng jet, higanteng ibong apat ang pakpak,
Bilis ng lintik-biglang lagumin ang mga agwat:
Asya, Aprika at Europa ay ilang lundag;
sa dunong-lakas, tao’y lubhang Bathalang pangahas,
mundo’y lumiit bagaman lalong mundo’y nabiyak.

2. Sa katayugan ng pitong milya sa himpapawid,
Buwa’y mistulang gintong mansanas sa Hesperides,
Kaya’y kariktan ni Venuz-gandang panirang-bait.
Minsa’y lugayan ng buhok, minsa’y hubdin ang damit.
Nguni’t sa kanya, nang ang Apolo’y makipagniig,
nakitang siya’y sahol sa dilag ng ating langit,
walang anyaya ng ating lupang kaibig-ibig…
O kabiguan ng sinungaling na panaginip!
Pangakong hungkag ng bahag-haring hindi malirip!

3. Gayunman, Buwa’y mutyang busilak sa gunamgunam,
sa diwang hapo at pusong sawi’y pag-asang bughaw,
isang ligaya na ngayong tayo’y magkawalay,
sa kaluluwa’y kanyang liwanag ang tumatanglaw,
at nagsasamyo ng alaala at pagmamahal.

4. Kaginsa-ginsa’y lalapag ako sa piling lungsod
ng kabihasnan at mawawala sa gayong agos;
sa panganorin, namimindong pang Buwa’y palubog,
paalam hanggang sa mahiwagang gabing susunod,
habang sa lupa ay sigla’t buhay-pakikihamok,
agham-himalang mandi’y palalong hamon sa Diyos,
walang hinayang sa ginto’t utak na sinunog
upang ang Buwa’y buong sakupin… at kung masakop,
matubos kaya ang bilyong tao sa buhay-hayop?

Paglalakad, ni Michael M. Coroza

Sinlutong ng kornik ang iyong halakhak
Nang maglakad tayong sabay sa pag-uwi;
Sa galak, dila ko ay aking nakagat.

Noon mo pa ‘ka mo hangad na matahák
Ang landas ng tula, ngunit di madali;
Sinlutong ng kornik ang iyong halakhak.

Binili mo ‘ka mo ang una kong aklat,
Pangalawa’y tila ibig mong mahingi;
Sa galak, dila ko ay aking nakagat.

Sa tulang pag-ibig ika’y naiiyak
Palibhasa ‘ka mo, palagi kang sawi;
Sinlutong ng kornik ang iyong halakhak.

Kung makata ‘ka mo ang siyang liliyag
Sa iyo siguro’y hindi ka hihikbi;
Sa galak, dila ko ay aking nakagat.

Kinapos ang daan sa ating pinapak
Na alat at aliw sa ilang sandali;
Sinlutong ng kornik ang iyong halakhak,
Sa galak, dila ko ay aking nakagat.

Baguio, ni Manuel Principe Bautista

O pakiwal-kiwal sa landas sa bundok
Na anaki’y ahas
Na hindi malaman kung saan susuot!
Ang bubong ng bawat maraanang gulod
Kung balikang-malas
Ay hindi maiwan at laging kasunod.

Lunti bawat burol na naghuhumindig
Na kung sundang-tingin
Ay parang gumuho na lumang daigdig;
Sa inusad-usad, ang kaba ng dibdib
Na matatakutin
Ay may piping dasal sa pagitang-saglit!

Sa kiniwal-kiwal ng mahabang landas
Na parang patungo
Sa siwang ng langit na biglang bumukas,
Ang ganda ng lupa’y lalong tumitingkad
At nag-iibayong
Likhang-kalikasang tila nakalimbag!

Diyan nasumpungan sa payapang pook
Ang katahimikan
Na hindi madama sa magasong lunsod;
Sa isang sandali ang puso ko’t loob—
Aking namalayang
Naging isang pinong kausap ng Diyos.

Sa Tabi ng Dagat, ni Ildefonso Santos

Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat,
di na kailangang
sapnan pa ang pang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni’t walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin……

Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nangingimi,
gaganyakin kata,
sa nangaroroong mga lamang-lati;
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabighani-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw……
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan……

Tayo, ni Ivy Rosales

Tayo ang nilalaman
Ng arkong dadaong sa kabilang isla bago mag-umaga.
Pitong kulay ng bahaghari sa isipan, hinding-hindi mabura.
Na humiling ng hampas ng bagyo kapalit ng ating kabutihan.
Saan bang lupalop nabanggit na bumaha noon para sa kagandahan?

At dahil nanalig tayo sa lupa, tayo ang nakatunton:
Nasa hangin at nag-aabang ang kaligayahan
malawak na malawak, mainit at anumang
panahon ay ibubuhos ng ulan.

Sakaling hindi?
Ay, pawalan na natin
ang tinipo’t napangalanan, kinatakutan at inaruga.
Sabay-sabay tayong pumalibot
at pagpistahan ang binaon nating kahiwagaan.
Bumuo tayo ng balangkas ng mga talang
naduduwag bumulagta sa dilim.
Awitin ang kanilang mga pagsamong
iniwasan nating dinggin.
Magliliyab ang mga binaklas nating karupukan
at ang alipato ang hayaang magbilang
ng ating mga isasaysay.
Mula sa mga naanggihan pakiramdam
hanggang sa mga patunay ng hilahil
na hindi natin mapangatawanan.

Tayo ang mga anak na puno ng hinanakit,
na tinawid ang bukid at baha,
upang umabot sa isang pagsasaboy
lamang ng buhangin sa mata ng isa’t-isa.
Samantalang isa-isa tayong mapupuwing
o tuluyang nabubulag,
aamin tayong hindi natin naisiksik
ang pare-pares ng lahat-lahat.

Kay-ikli ng Pagdalaw sa Palawan ni Rebecca T. Añonuevo

Kaya ko palang inumin ang buong karagatan.
Itong maliit kong katawan ay lalagyang
tinilamsikan ng hindi maampat
na bughaw, walang hanggang paggalaw—
ang paggulong at pagbulwak ng alon,
ang pasayaw na kislot ng mga batik-batik
na isda, ang pagtitipon-tipon nilang
parang pagdarasal sa paa ng tubig at araw.

Sino’ng magsasabi na makararating kami
at makababalik sa magkabilang dulo
ng nakalatag na kahiwagaan?
Hindi ako marunong kumampay,
at pagsampa pa lang sa bangka
ay nanginginig na ang mga paa,
habang pinipigil na maamoy ang lansa
ng mga nakabilad na isda sa daungan.

Sa gitna nitong dagat,
sinalubong ko pa ng mukha
ang hanging sumasalpok sa balat.
Tila lumubog sa tubig ang lahat
ng takot at pait sa dibdib:
Ako ang mas makapangyarihan sa laot.
Handa akong marinig ang awit
ng paralumang nakatago sa mga bato.
Ang puting langit ay abot-kamay,
ngunit itong walang patlang na dagat
ang tanging aangkinin ngayon.
Niligid ng aking paningin ang sumisikdong
guhit na hinihiwa ng pisik na paglalakbay
at ako’y napapikit!
Ganito ang lukso ng di-mapuknat na hapdi’t
luwalhati kapag iniinom
ang biyaya ng buhay ng tubig.

Matuling Sasakyan, ni Teo S. Baylen

Ang luntiang nayong pinanggalingan ko
Ay di na matanaw sa sasakyang ito;
Sa hinaba-haba’t tagal ng tinakbo
Tanawi’y iba na, ngayo’y kulay-abo.

Nadaraanan ko’y mga dahong laglag,
Mga bungang lunot, luoy na bulaklak;
Sa hanging lumamig ay nagyuyumagyag
Ang papauwi nang mga hapong pakpak.

Umaga umalis ang aking sasakyan
Na ang tinutungo’y ang kawalang-hanggan;
Naparaan ito sa pinagkurusang
Masaya, mabango, makulay, makinang.

Dito nakisakay ang isang Pagsinta
Na sa tutunguhi’y aking nakaisa;
Sa marami naming nasagupang sigwa,
Ang Pagsintang iyan ay hindi nalanta.

Ibig magpaiwan niring pananabik
Sa pook na iyang pangarap ang saglit,
Danga’t ang sasakyang ito’y tagahatid
Ng paparoon lamang at walang pabalik.

Malayo na pala ang aking narating,
At lumalabo na pati papawirin;
Nguni, ang gunita’y lumilingon pa rin
Sa pinagkurusang kay gandang tanawin!

Sa dako pa roon ang paninging pagod,
May natatanaw nang mapayapang pook:
Punong nagdarasal sa tabi ng puntod
At katahimikang kayakap ng kurus.

Roxas Via Gamu, ni Alwynn C. Javier

Hindi dapat paspas ang patakbo:
nangunguha ang kalsadang ito.
Sandaan ang takbo ng motorsiklo,
gayong wala pang sanlinggo mula nang
masawi ang asawa ng isang kaibigan,
natagpuang nakasalaksak
sa gulong ng nakabanggang trak—
wasak ang motorsiklo, basag ang utak.

Karaniwang tagpo sa daan:
katulad lang ng mamang nabali ang likod
nang madulas sa aspalto ang motorsiklo;
ng driver na nabaliw dahil kinawayan
ng babaeng lumulutang sa may manggahan;
ng ahenteng hinarang ng mga kabalyero
at natagpuang sunog ang kotse, pugot ang ulo.

Tutal bagong karanasan ito:
mangilan-ngilan na lang ang nasasalubong
mula nang malipat ang highway sa kabilang baryo;
nagsipangibang-bayan na ang mga kaibigang
noo’y kasabay na nagpapaputok ng tambutso;
patay na ang amang lagging nambubuyo
na iabante ang kambyo at diinan ang preno.

Sa pagitan ng patakbong siento
at sampung taong pag-iiba ng kapritso:
bantad ang laki nitong katawan
sa tila kumipot nang daan;
napapakambyo akong walang clutch;
napapatapak sa preno gayong pumipihit sa gas.
Ang dating animo’y pulo-pulong tubig
sa kahabaan ng bilad na aspalto,
ngayo’y mga kawali at kumukulong asero;
ang tulay na tinawiran ng baboy-ramo,
ano’t humahaba kahit panay ang busina’t abiso.

Hihingi ba ako ng saklolo
sa abot-tanaw na bodega ng Intsik
na pinangungutangan namin noon sa pag kinakapos?

Buntong-hiningang pagpihit sa manibela
at tambutso akong umaarangkada.
Itong siento beinteng takbo ng motorsiklo.
Itong muling pakikipaghabulan sa hanggahan
ng sinag ng araw at umaabanteng ulan.
Itong biglang pagtapak sa preno’t
itong huling pagkakataon ng muling paglipad.
Ang tutubing nahagip ng aking salamin.
Yaong pakpak na binunot sa akin.

Tabi Kayo (Puwera sa di Gayon), ni Benigno Ramos

Tabi, tabi kayo… Ako ay daraan
at ‘pag ‘di tumabi kayo’y mamamatay;
ang katulinan ko ay dapat igalang
pagka’t ako’y hari ng buong lansangan.

Ang kahambugan ko ay sukdol sa langit
ang hangin sa tuktok ay walang kaparis,
lalo’t ang sakay ko’y dalagang marikit
ang buong bayan ma’y aking mapapalis!

Tabi kayo, tabi, ako’y emperador
ng mga lansangan at ng mga ulol,
iyang mga bata ay inyong ikulong,
mangatakot kayo sa bigat ng gulong!

Kahit ilang tao ang aking mapatay,
Bilanggo ang hatol sa aki’y laan,
Paglabas ko uli ay hari na naman,
Magsitabi kayo kung ayaw mamatay!

EDSA, ni Marra PL. Lanot

Mistulang bahaghari ang dating Highway 54
na humahawi ng talahiban
patungong dagat at langit.

Naging EDSA ang highway:
isang natumbang balde ng gas
na nanunuot sa lalamunan at baga;
isang piring sa tanawin,
piring na nakapinid sa mga mata
ng kinidnap, ginahasa, kinatay;
isang bumagsak na nagagalit na ulap;
isang latigo na nagbali ng buto
at nanghugot ng dugo;
isang makamandag na ahas
na iniluwal ng baha
at isinuka ng lindol,
isang sinturon ni Hudas,
mausok, maitim, mabaho,
nakapalibot nang mahigpit
sa mundo mula ala-sais ng umaga
hanggang ala-sais ng umaga.
Minsa’y pasulpot-sulpot na parang himala
ang mga kuwintas ng sampaguita,
champaka, kamia, ilang-ilang
na kasing-linaw at kasing-lungkot
ng mga mata ng mga batang namamalimos
sa walang-hanggang pagitan
ng takipsilim at hatinggabi.

Nasaan ang bahaghari ng dating Highway 54?

Alamat, ni Vim Nadera

Ano nga ba ako? Sino nga ba ako?
Isang batong milyon ang kuwento?
Kawayang sinasayawan ang bagyo?
Kahit anong umiral dahil sa iyo?

Kung ako ay sapatos, ihahatid kita
Kahit kailan at saan ka man magpunta.
Hanggang tayo ay tumanda na
Nangangarap na bata lagi ang ating paa.

Alamat kang di nagsasawang tumuklas
At sumuri sa pinagmulan ng lahat.
Alamat kitang nagtuturo sa aking ugat
Kaya ako nakakabangon tuwing bumabagsak

Paglalakbay, ni Joi Barrios

Bawat pagsinta’y paglalakbay.
Paglalayag sa malawak na dagat,
pag-akyat sa pinakatuktok ng bundok.

Sumasakay ka sa pag-asa,
kumakapit sa pananalig.
Bawat pagsinta’y paglalakbay.

Tandaan:
Huwag kay-bagal at baka may hindi maabutan.
Huwag kay-bilis at baka may malampasan.

Sa pagitan nitong paglalakbay,
saglit na humimpil.
Salatin ang pawisang noo,
hagurin ang napupudpod na talampakan.
Kumustahin ang sarili,
na minsa’y nakakaligtaan sa gilid ng daan.

Huwag hayaang mapagod ang puso
sa bawat paglalakbay.
Ngunit huwag,
huwag ring papigil sa pangamba
kahit ang paroroona’y hindi tiyak.

Walang huling biyahe sa mangingibig
na handang maglakbay
nang may pagsalig.

Dahilan ay Ikaw, ni Danilo Diaz

I
Aking kaibigan
salamat sa dalaw,
Sana’y masiyahan
Ako ay balikan.

Kung may pagkukulang
sabihin mo lamang,
Aking kasiyahan
na ito’y punuan.

II.
Sa bayan at masa
ay laking tulong na,
Kahit malayo ka
parang malapit na.

Ang lahat ay kaya
kapag sama-sama,
Sana’y magkaisa
na bigyang halaga.

III
Nuon kung hintayin
di tiyak ang dating,
Hirap nang habulin
Minsan ay sabit din.

Ngayon ay matulin
oras ay di bitin,
Maaring tanawin
ang paligid natin.

IV
Habang narito ka
Aking paalala,
Ingatan mo sana
Ako at makasama.

Laging mahalaga
ligtas ka’t masaya,
Saan man ang punta
ay makarating ka.

V
Parang namamasyal
Ang lahat ay tanaw,
Lalo’t sa ibabaw
Madalas ang daan.

Nakatayo ka man,
at walang upuan,
Iyong kabayaran
masusulit naman.

VI
Ang lahat ng ito
ay utang sa iyo,
Kinabukasan ko
ay nasa kamay mo.

VI
Ang lahat ng ito
ay utang sa iyo,
Kinabukasan ko
ay nasa kamay mo.

Tapat na serbisyo
ay ibabalik ko,
Ang ingatan ako
palaging hiling ko.

VII
Sa iyong pag-alis
kita’y naihatid,
Mayroong papalit
Na sana’y umulit.

Di sana nainis
O kaya’y nainip,
Sana ay maisip
na muling sumilip.

VIII
Aking nasaksihan
iba’t-ibang bagay,
Mahirap mayaman
may saya at lumbay.

Sana ay magtagal
Kahit makalawang,
malamig kong buhay
“Dahilan Ay Ikaw.”

Kung Bakit Tayo Paluwas at Walang Sunong na Kalakal, ni Axel Pinpin

Palungsod ang direksyon nitong ating lakad
ngunit hindi upang magluwas ng kalakal
manapa’y mga placard sa tagdang kawayan
itong ating bitbit at magiting na tangan
sa halip na tiklis nitong prutas at gulay!

Wala tayong sasakyan o arkiladong trak
dahil pinili nating sa kalye’y maglakad
sunong ang hiyaw nitong ating paghahangad
hindi para maglako ng aning kalakal
kundi ay maningil ng malaong pautang!

Gaya nang inaasaha’y mayroong papara
mga haragang pulis na mang-aabala
hindi para manita sa sobrang kargada
at papalao’y mangotong para arkabala
kundi’y upang harangin intong ating martsa!

Pagbabawalan tayong maglakbay, maglakad
kahit wala tayong batas na nilalabag
basta’t bawal raw tayo ro’n sa kalunsuran
baka makita ng turistang namamasyal
sakit raw sa mata itong ating Lakbayan!

Kung nadarama lamang ng mga turista
sakit ng kalooban nitong magsasaka
libangan nila’y libingan ng ama’t ina
mga asawa’t anak dinukot, nawala
sa pakikibaka sa inagaw na lupa!

Marahas na pagpigil sa ating pagluwas
ay nagpapabilis at nagpapakaripas
sa mauuna pang hiyaw ng pagpipiglas
bagkus harangan ay lalong mag-uumalpas
sa may’rong utang buhawi ang ating lakas!

Kumot yaring ulan at balanggot ang araw
hindi makakaiga hindi rin lulusaw
sa sariwang diwa ng magiting na sigaw:
Lupa nating bungkal, bawiin sa gahaman!
Sa Gyerang Magsasaka, ro’n sa kanayunan!

Daluyong kaming mananagasa sa harang!
Martsa sa araw at sa gabi’y maglalamay!
Maalab na salubong pantighaw sa uhaw!
Malapit na kami! Ilang hakbang na lamang!
Maghanda’t maniningil tayo ng pautang!

Matapos Matanggap ang Mensahe ng Isang Kaibigang Makata, ni Mikael de Lara Co

Matagal na kaming hindi nagkikita
ng makatang si Diego. Malungkot din kaya
ang huni ng mga kuliglig sa bayan ng San Pablo?
Hindi ko mailarawan ang kagandahan
ng mga ilog sa San Pablo
sapagkat hindi pa ako nakararating doon.
Kanina, nabasa ko ang kaniyang mensahe:
“Masigasig ang kalikasan
sa iyong mga tula ngayon, kaibigan.”
Hinaharaya ko siyang nakangiti, kamay-sa-tiyan,
habang sinasabi ito. Sa labas ng aking bintana,
umuugong ang mga sasakyang tumatahak sa Avenida.
Naglalako ng sampaguita at ilang-ilang ang mga paslit
sa paanan ng Labingwalong Istasyon ng Tren.
May mabibili kaya ang isang pirasong baryang pilak
na nakasabit sa kalangitan? Maalinsangan
sa sinapupunan ng Maynila. Sa susunod
na buwan, pupunta ako sa San Pablo
at magdadala ng isang boteng alak.
Mapilit ko kayang uminom si Diego?
Pakikinggan namin ang tinig
ng mga nalalagas na dahon.
Magkukuwento ako tungkol sa bundok
na nakasiksik sa aking dibdib.
Sakaling malasing siya, tiyak ko,
tatanungin niya ako, “Paano kang nakauwi?”
At tutugon ako, “Hindi naman ako umalis.”

Pakpak, ni Jose Corazon de Jesus

Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa
at ako’y lilipad hanggang kay Bathala…
Maiisipan ko’y mga malikmatang
sukat ikalugod ng tao sa lupa;
Malilikha ko rin ang mga hiwaga,
sa buhay ng tao’y magiging biyaya.

Ano ba ang sagwang sabay sa paghatak
kundi siyang pakpak ng bangka sa dagat?
Ano ba ang kamay ng taong namulat
kundi siyang pakpak ng kanyang panghawak?
Ano ba ang dahon ng mga bulaklak
kung hindi pakpak din panakip ng dilag?

Ang lahat ng bagay, may pakpak na lihim,
pakpak na nagakyat sa ating layunin,
pakpak ang nagtaas ng gintong mithiin
pakpak ang nagbigay ng ilaw sa atin,
pakpak ang naghatid sa tao sa hangin,
at pakpak din naman ang taklob sa libing.

Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa,
at magagawa ko ang magandang tula;
Bigyan mo ng pakpak tanang panukla’t
maililipad ko hanggang sa magawa;
Bigyan mo ng pakpak ang ating adhika,
kahi’t na pigilan ay makawawala…

O ibon ng diwa, ikaw ay lumipad,
tingnan mo ang langit, ang dilim, ang ulap,
buksan mo ang pinto ng natagong sinag,
at iyong pawalan ang gintong liwanang,
na sa aming laya ay magpapasikat
at sa inang bayan ay magpapaalpas.